Tatlong Piso

Isang paslit ang napadaan

sa isang bukas na panaderya.

Ang halimuyak ng tinapay na kalalabas palang sa hurno

ay naglalaro sa pang-amoy niya.

Animo’y nagpapatintero ang bango

sa kanyang sistema.

Dahil dito ay naalala niya ang kanyang gutom

na pawang kahapon pa,

na kanya namang pinapalipas sa

pag bubuo ng mga pangarap

para sa kanyang pamilya.

Kinapa niya ang kanyang mabubutas nang bulsa

para sa mangilan-ngilang barya.

Mga baryang kanyang nalimos

kaninang umaga

mga baryang kanyang ipangbibili

nang isa ,

o di kaya’y dalawang tinapay,

o di kaya’y tatlo,

kung sakasakaling magkakasya.

Upang may maisubo at manguya

nang panandaliang mapatid ang gutom

na kanyang iniinda.

Inilabas niya ang kanyang kamay

mula sa kanyang bulsa

at ngayon ay

tangan-tangan na niya

ang tatlong pisong nadukot niya.

Tiningnan niya ito at luminga-linga.

Parang may mali ata.

Tiningnan niya ang mga bagong lutong  tinapay,

na ngayon ay nasa babasaging estante.

Sabay singhot,

sabay buga.

Parang may mali ata.

Hindi mapalagay ang kanyang kalooban

dahil sa kanyang hinuha

ay may mali nga.

Nag balik tanaw siya sa kanyang mga nadaanan

hanggang maalala niya ang

kayang pagka dapa.

“ANAK NG TIPAKLONG!”

nag kulang ng dal’wang piso.

Dahil sa kanyang pamilang, ang nakulekta niya ay lima.

Dalawang piso ang bigay

ng mamang naka antipara.

Piso naman mula sa

babaeng nagmamadaling tumawid

ng kalsada.

Piso mula sa dumaang estudyanteng

nag magandang loob at naawa,

at ang isa’y napulot niya.

Bale lima lahat.

Hindi tres.

Hindi tatlong piso.

Kundi limang piso.

“ANG KAMALASAN NGA NAMAN!”

Nasan na kaya ang

dalawang pisong nawawala?

Napulot ba iyon ng isang paslit din

na marungis ang mukha?

paano kaya iyon mababalik,

at paano makukuha?

Tiningnan niyang muli ang

babasaging estante na

lalagyan ng kaninang mainit na tinapay.

Sabay singhot,

sabay buga.

Sabay silid ng tatlong piso

sa kanyang bulsa.

~ ni mrbluelady sa Enero 3, 2008.

Mag-iwan ng Tugon