Blast from the Past – Back to the Future
Sabi ng kaibigan kong si Pepe. (Rizal sa mga taong hindi niya tinuturing na kaibigan…). Ang kabataan daw ay ang pag-asa ng bayan . Na ang ibig sabihin ay nakasalalay ang hinaharap ng ating bansa sa mga uhugin at walang muwang na mga musmos. Mga kabataang nilalang na walang alam kundi ang maglaro ng bahay-bahayan, duktor-duktoran, at kung ano-ano pang larong ginagmitan ng tinatawag nating “PAGKUKUNWARI”. Ang labo talaga ni Pepe. Mantakin mong ipagkatiwala sa kamay ng mga bata ang pag-asa ng Pilipinas, anong mararating ng bansa kung gayon? minsan ko nga itong naitanong kay Pepe ngunit ang tanging naisagot niya lang ay isang matamis na ngiti at mapungay na mata. Inaasahan niya siguro na malalaman ko ang sagot mula sa mapula niyang mga labi at mapuputing mga ngipin… dun siya nagkamali dahil ang iniisip ko ay ipinakikita niya lamang ang kanyang ipin na bagong sepilyo.
Kinabukasan, nakarating sa akin ang isang masamang balita. Dinakip ang aking matalik na kaibigan at ipiniit sa Dapitan. Badtrip! aayain ko pa sana siyang maghapunan sa bahay upang mas mapag-usapan namin ang kayang mga tanyag na salawikain. Kesyo kabataan raw ang pag-asa ng bayan… at kung ano-ano pang eklat… at yung isa pa… yung salawikain na may “MALANSANG ISDA” ata… basta iyun na yon… nakakainis talaga. Wrong timing ang mga Kastila sa paghuli sa kanya.
Dalawang araw matapos ang pagka baril kay Pepe na naging madrama… (hindi dahil sa marami ang tumangis sa kanyang pagkapaslang sa Bagong Bayan) dahil sa siya ay humarap sa bala sa tiempong pagkasigaw ng Gobernador Heneral ng “FUEGO” ayun bumulagta siya na nakaharap sa sinag ng araw… (si pareng Pepe talaga ang daming nalalaman na kadramahan…).
Ako ngayon ay naglalakad sa Escolta. Nalulungkot dahil wala nang Pepe na gagabay at magtuturo sa akin ng kung ano-anong mga bagay tungkol sa mundo at sa nangyayari dito. Sa aking patuloy na paglalakad ay marami akong napansin na dati ay bulag ako para makita. Ang dami kong napunang kakaiba as in weird pare! Iyung isang babae ay pinipili ng mga sibil na sumama sa kanila. Hindi ko nalang inisip kung bakit. Tapos may isa pa akong nakita, sa simbahan naman ito, yung mga donasyon para ipagawa ng simbahan ay ibinulsa ng kura para ipangbabae lang. Kitang-kita ko. Dinukot niya ang mga riyales at isinilid niya sa kanyang brown na pouch. wallet niya ata iyun. At eto ang pinaka malupit kong nakita. Hindi na kaya ng kunsensya ko ang mag bulagbulagan pa. Biruin mo kapwa mo Pilipino pa ang dadagok at yuyurak sa pagkatao mo, kapalit nang ano? Kapalit ng kapirasong lupa at nauupos na kayamanan… parang mga walang pinag-aralan, walang delikadesa. Parang ang salitang “NASYONALISMO” ay wala o sadyang binura mula sa kanilang bukabolaryo. Mataas man ang pinag-aralan wala naman laman ang kanilang maliit na kukote. Daig pa ang mga musmos sa galing nilang mag kunwari. Nakakahiya. Mga uhuging matatanda.
Kumatok muli ang salawikain ni Pepe sa aking gunita. At aking napagtanto na Kabataan talaga ang pag-asa ng bayan. Ngunit mangyayari lang ito kung tayo ay matututong mag pahalaga sa mga musmos at turuan natin sila ng mabuting asal. Upang sa gayon ay maging reponsable silang mamamayan pagdating ng kanilang terminong mamuno. Wag sana nating hayaang maging tarantado ang ating mga kabataan. Ngayon na ang panahon upang gisingin sila sa kamusmusan at pag kukunwari, at himukin sila patungo sa riyalidad at pag-unlad.
Ano pa ang hinihintay mo? Sumama ka na sa pagpunas ng uhog sa ilong ng pag-asa ng ating bayan.


Ang galing po ng inyong pagkakagawa ginoo.
Humahanga po ako. Salamat