Marder

•Marso 27, 2008 • Mga Puna

Pare, naaalala mo ba ?

Dati. Yung dating-dati pa?

Yung bang minsan.

Yung minsang inaya kitang uminom

sa tindahan nila Aleng Mameng.

Yung tindahang may malaking puno ng santol sa gilid,

wala pa ang dalawang maliit na tumpok ng lupa noon.

Naalala mo?

Diba hanggang umaga tayo noon

Pero wala paring natutumba.

Naalala mo?

Tayo nga yung pinakamalakas uminom sa barkada, diba?

Di nila tayo matalo sa inuman noong araw,

Kasi sanay na tayo sa beer.

Hindi na tayo napapaitan.

Di tulad ng iba nating kabarkada.

Naaalala ko pa, ikaw ang nagturo sa aking mag bisyo.

Una inom tapos, sigarilyo.

Kung sa inom ikaw ang boss,

Kasi laging may party sa bahay ‘nyo.

Kung sa sigarilyo ako naman.

May tindahan kasi kami kaya di ako naghihirap

pag dating sa yosi.

Naaalala mo ba?

Nung minsang magdala ka ng dalawang pakete ng Fortune?

Nabadtrip pa nga kami nun eh,

lasang ipis kasi yung nabili mo.

Kaya napilitan akong bumili ng Winston.

Uso pa ang Winston noon

at masakit pa sa lalamunan ko ang Marlboro

Pero anu pa man.

Kung inom at yosi lang naman,

o kahit sa anu pang mga bagay kasangga kita.

Pare, naaalala mo ba?

Dati?

Nung minsang may nagbanda sa plaza,

Inaya mo ko sumali sa palaro nilang beer drinking contest.

Nahihiya ako noon at sobrang kabado

kaya ikaw nalang ang sumali

kasi matapang ka at malakas ang loob mo.

Sigurado ko naman ikaw ang mananalo dun eh.

Yung mga kalaban mo kasi masyadong lasing na.

Eh ikaw. Hindi pa.

Ang sabi mo sa akin bago pumunta ng stage,

“Kaya to, di pa naman ako lasing eh.

At may free beer pa.”

Tuwang-tuwa tayo noon.

Nanalo ka kasi.

Naalala mo ba na yung premyo mong back pack

binigay mo sa akin.

Salamat doon pare,

hanggang ngayon ginagamit ko pa.

Pare naalala mo ba ang dahilan

ng pag-aya ko sayo noon maginuman kina Aleng Mameng?

Inaya kitang maginuman noon dahil sa kanya.

‘yung si ano,

si Charie.

Iyung girl na kasama ko nung isang birthday mo.

Oo, siya nga.

Naghiwalay kasi kami.

Masakit pare.

Masakit, kasi siya yung tipong nilatagan ko na ng buong buhay ko.

Tapos bigla nalang siyang sasama sa iba.

Masakit.

Malungkot.

Badtrip.

Pero kahit papaano ayos lang ako.

Nariyan ka naman para dumamay.

Kasama mo ang ilang bote ng beer, at isang supot ng kropek.

Pero ngayon kahit mahigit dalawang taon na ang nakalipas, masakit parin.

Mas masakit.

Mas malungkot

Mas nakaka-badtrip.

Wala na kasi akong kasamang uminom ng beer

at mamulutan ng kropek habang humihitit ng yosi.

Pare, Marlboro na ako ngayon.

Wala na kasing tindang Winston si Aleng Mameng.

Alam mo pare, naalala parin kita hanggang ngayon.

Noong gabing inaya kita lasing na lasing na ako noon.

Naitumba ko ata ang Chivas nang Papa na kadadala lang niya mula nung huling uwi niya

galing Saudi.

Di ko na maalala kung naubos ko talaga.

Lango na kasi ako n’on eh,

Tapos naalala mo ba na tinawagan kita.

Umiiyak ako.

Ikaw ang tinawagan ko dahil alam ko na di mo ko kayang tiisin.

Pinapunta kita sa tindahan nila Aleng Mameng.

Para bumili pa ng isang kaha sabay pina direcho kita sa bahay.

Tayo lang ang tao noon naalala mo?

Iniwan kasi ako nila Mama.

Nagbakasyon sila sa isa pang bahay namin sa Tagaytay.

Di na ko sumunod.

Mabuburyong lang ako pag kasama ko sila.

Isa pa ayos na rin na tahimik ang bahay.

Kailangan kong mag-isip.

Kailangan kong mapag-isa.

Mabilis tumakbo ang oras ng gabing iyon.

Umiikot ang buong bahay sa sobrang alak sa aking dugo.

Sumisikip ang dibdib ko sa usok ng sigarilyong kaninang umaga ko pa hinihitit.

Napaluha ako kasabay ng malakas at mabilis na palo ng aking puso.

Sa sobrang takot at kaba.

Sa sobrang galit at pananabik.

dahil sa tagal ng aking pagtitimpi…

Pagpipigil…

Pag hihintay…

Nagdilim ang aking paningin.

Black out!

Tas, biglang wala na…

Nagising nalang ako kinabukasan.

Magaan na ang aking pakiramdam.

Napangiti ako.

Habang nakaupo sa isang sulok kaharap ang basag na salamin.

Pare, naaalala ko pa.

Himbing na himbing ka sa kama ko.

Tulog na tulog ka.

Nababading na ata ako sayo.

Ang sarap mo kasing tingnan habang natutulog.

Lalung-lalo nang alam ko na hinding hindi ka na muling didilat pa.

Katabi ang wala buhay na katawan ng hayop na Charie mo.

Palaisipan

•Hulyo 4, 2009 • 1 Puna


“Ayoko na. sawang-sawa na ako sa mga naririnig ko. Nanaisin ko pa ang pumatol na lang sa isang may asawa at maging isang kabit!”

XXX

“Kahit ano pa ang gawin mo at sabihin, hindi mo na ako mapipigilan. Dadalhin ko ang anak ko at kahit kailan ay hindi mo na kami makikita. Paalam!” Mariing sabi ni Clare, sabay bitbit ng maleta at lumabas ng condominium.”

XXX

“Tol, ang sakit-sakit lalo na dito.” Sabay turo sa dibdib ko. “Para’kong pinagbagsakan ng langit at lupa…” Dagdag ko, sabay tungga sa aking baso. Nalasahan ko ang pinaghalong tamis at pait ng alak pagkatapos nitong gumuhit sa aking lalamunan. Makatutulong ito sa paglimot ko.

“Tama na ‘yan tol. Hindi naman sa sinisisi kita, pero, noong una pa man sinabi ko nang tigilan mo na ang pakikipag relasyon sa mga babae’t lalo pa’t kay Clare. May anak na yung tao at sumige ka parin…. Ilang babae na nga ba ang naging dahilan ng pagkakaganyan mo?” Buong pag aalala ni Jay. Bestfriend ko siya. Nasa isang bar kami sa Libis. Siya agad ang tinawagan ko mula kanina… nang iwanan ako ni Clare. Nakilala ko si Jay ng nasa unang taon ako ng aking kurso.

Tama nga si Jay. Ilang babae na nga ba ang nakarelasyon ko at naging dahilan ng pagkabigo ko? Si Maricar. Si Janet. Si Faye, at si Ada. At ngayon nga ay si Clare. Hindi ko lubos maisip kung bakit iniwan ako ni Clare. Sa kabila ng katotohanang minahal ko siya ng lubos at inari kong parang akin ang anak niya sa dati niyang asawa. Ibinigay ko naman lahat ng luho nila. Masaya naman kami. Para’ kaming isang tunay na pamilya. Nag sama kami na parang mag-asawa. Kulang nalang ay kasal. Ipinaglaban ko siya sa kabila ng pagtutol ng maraming tao, lalo na ang papa. Namatay ang aking ama ng may galit kami sa isa’t isa. Alam ko kasi na mahal ko si Clare at para sa akin, iyon lang ang tama at mahalaga.

“Tol, ayos ka lang? Tama na ‘yan. Maraming nagmamahal sayo. Andito pa naman ako para sayo, ‘di kita iiwan. Nag dadal’wang isip ako kung ito na nga ba ang tamang panahon para sabihin ito, but… to hell with it. Kung di ko ito sasabihin ngayon, kelan pa? Mahal kita higit pa sa isang kaibigan, pare!” Wika ni Jay habang nakatitig sa mga mata ko.

“Ha… ha… ha… ‘Di tayo talo, pare… Ano ka ba? Bading ka ba Jay? Ha… ha… ha…” napahalakhak ako sa narinig kay Jay. “Puta pare wag mo naman ako bakla-in, Ha… ha… ha…” natatawa kong sabi.

“Hindi ako nagbibiro ‘Tol, mahal kita. Noon, di ko kayang aminin dahil natatakot akong mawala ka sa’kin… Natatakot akong masira ang ating pagkakaibigan… Natatakot akong iwasan mo… Pero  ngayon gusto kong ipag sigawan sa mundo na mahal kita, mahal na mahal pare.” Litanya ni Jay habang mahigpit na hawak ang aking kamay.

XXX

Habang sakay ng Ford Escape ni Jay, wala kaming kibuan. Si Jay na mismo ang bumasag sa katahimikan. “Pare, ung mag nasabi ko kanina…”

“… Wag ka na mag paliwanag pare, wala ‘yun.” Agap ko upang hindi na humaba ang usapan.

XXX

Nang makapasok na kami sa loob ng bahay niya ay biglang hinawakan niya ang aking dalawang kamay, hinarap niya ako at sa halos pabulong na boses ay muli siyang nagpaliwanag. “Ano ka ba? Manhid ka ba? Totoo ang mga sinabi ko sayo kanina.” Pagsuyo niyang muli sa akin.

Magsasalita pa sana ako ngunit mabilis niya akong hinalikan sa aking labi. Iba ang halik niya. Mainit at may kakaibang sarap. Malayo sa mga halik nina Maricar, Janet, Faye, Ada, at Clare.

“Putang ina! mali ito, imoral ito.” Tutol ng isip ko, pero hindi ng katawan ko.

Sa mga labi ko…

Sa leeg…

Pababa…

Hanggang madarang na ako sa apoy…

Hindi ko maikakaila…

Gumanti narin ako ng halik…

Umaapoy, nagliliyab ang aming mga katawan…

Hanggang sa kaming dalawa ay maupos…

XXX

Kinaumagahan, di ko alam ang gagawin. Parang gusto kong masuka. Litung-lito ako. Hindi ako makapaniwala sa kababuyang nagyari sa pagitan namin ni Jay. Nagtungo ako sa banyo upang makapag-shower. Pinilit kong alisin nang sabon ang laway, pawis, at kung ano mang alaala ng nakalipas na gabi…

“Pare, mahal kita. Handa akong ipaglaban ka sa buong mundo…”

Hindi ko na pinatapos si Jay. Itinulak ko siya. Mabilis na isinuot ang aking mga damit at tumakbo palabas ng bahay.

XXX

Makalipas ang limang taon.

“Pa, kamusta ka na?” Tanong ko habang nakaharap sa puntod ng aking ama. Katabi ko si Jay… May kargang isang taong gulang na bata. Kung titignan, isa kaming masayang pamilya…. Totoo!  Walang biro… Isa na kaming masayang pamilya. Ginawa ko lang ang tama. Namuhay na ako ng tahimik at walang pag kutya ng ibang tao. Ibinigay at ipinakita sa akin ni Jay ang tunay na kahulugan ng salitang “tama” sa pamamagitan ng tunay at wagas niyang pag-ibig. Nangibang bansa kami at nagpakasal, at ngayon ay may isa na kaming anak.

Sandali… nasabi ko na ba ang pangalan ko?

Ako si Maria Kathleen May Eustaquio.

Isang Gabriella.

Musa.

Lakambini.

Babae.

XXX

Ang orihinal na konsepto ng kuwentong ito
ay mula sa panulat ni
Miss Niña Jane Lee
na nailathala sa magasing Recess
ng West Visayas State University
sa ilalim ng Forum-Dimensions Publication
circa 2004